Noong Marso 1, 2025, naglabas si Pangulong Trump ng Executive Order 14224 na nagdedeklara na Ingles ang opisyal na wika ng U.S. at binabawi nito ang Executive Order 13166, Pagpapabuti ng Access sa mga Serbisyo para sa mga Indibidwal na may Limitadong Kaalaman sa Ingles, na inilabas ni Pangulong Clinton noong 2000.
Ang mga karapatan sa wika ay matagal nang basehan ng mga pederal at pang-estadong batas, na mahalaga sa pagpapanatili ng ating kalusugan, kaligtasan, at kapakanan, at para rin tiyakin na ang lahat sa komunidad, anuman ang wikang kanilang ginagamit, ay maaaring makibahagi at sumali para mapabuti ang lipunan. Bagama’t hindi binago ng executive order ni Trump ang mga kasalukuyang batas pederal at pang-estado, binabantaan nito ang halos dalawang dekada ng pag-unlad tungo sa makabuluhang access sa wika para sa lahat.
Binuo ng Asian Law Caucus, California Rural Legal Assistance, Inc. (CRLA), at Legal Aid Foundation of Los Angeles (LAFLA) ang FAQ na ito upang matulungan ang komunidad at mga opisyal sa estado at pang-lokal na maunawaan ang saklaw at epekto ng Executive Order 14224 ni Trump. Patuloy naming gagawing napapanahon ang pahinang ito habang sinusuri namin kung paano tutugunan ng mga pederal na ahensya ang kautusan.
Nagbibigay lang ng pangkalahatang gabay ang FAQ na ito at hindi ito dapat ituring bilang legal na payo. Ang impormasyon sa dokumentong ito ay maaaring magbago. Kung kailangan ng iyong organisasyon ng legal na tulong o kung may karagdagang mga tanong tungkol sa mga paksang ito, makipag-ugnayan sa:
- Asian Law Caucus sa 415-896-1701 o asianlawcaucus.org/contact
- California Rural Legal Assistance, Inc. sa 1-800-337-0690 o crla.org/locations
- Legal Aid Foundation of Los Angeles sa 1-800-399-4529, lafla.org/get-help/
MGA MADALAS ITANONG (FAQ)
Ano ang sinasabi ng Executive Order 14224 na Ingles ang opisyal na wika ng Estados Unidos?
Ipinahayag ng kautusan na Ingles ang opisyal na wika ng Estados Unidos. Inaalis din nito ang Executive Order 13166, isang executive order na nilagdaan ni Pangulong Clinton noong 2000.
Ang Executive Order 13166 ni Clinton ay nag-atas sa mga pederal na ahensya na bumuo at ipatupad ang mga plano upang matiyak na may makabuluhang access sa mga pederal na programa at aktibidad ang mga indibidwal na may limitadong kaalaman sa Ingles. Inatasan din nito ang mga pederal na ahensya na gumawa ng gabay tungkol sa pag-access sa wika para sa mga tumatanggap ng pederal na pondo upang matiyak na may patas na access ang lahat.
Ang Executive Order 14224 ni Trump ay nag-uutos sa Attorney General na bawiin ang anumang gabay sa patakaran na inilabas sa ilalim ng EO 13166 at magbigay ng isang “napapanahong gabay,” ngunit hindi nito inaatas sa mga pederal na ahensya o sa mga tumatanggap ng pederal na pondo na itigil ang kasalukuyang suporta sa wika na ibinibigay nila. Ayon sa executive order, “wala sa kautusang ito na nag-uutos o nagdidirekta ng anumang pagbabago sa mga serbisyong ibinibigay ng anumang ahensya” at ang mga ahensya ay “hindi kinakailangang palitan, alisin, o ihinto ang paggawa ng mga dokumento, produkto, o iba pang serbisyong inihanda o inaalok sa mga wikang hindi Ingles.”
Gayunpaman, hindi tiyak kung pipiliin ng mga pederal na ahensya, sa kanilang sariling pagpapasya, na baguhin o bawasan ang dami ng suporta sa wika na kanilang ibinibigay sa mga indibidwal na may limitadong kaalaman sa Ingles, o kung maglalabas sila ng “napapanahong” gabay na malaki ang pagkakaiba sa naunang mga alituntunin.
Ano ang epekto ng pagkilala sa Ingles bilang opisyal na wika ng Estados Unidos?
May mahigit na 350 wika ang Estados Unidos, na sinasalita ng mahigit sa 69 milyong tao. Araw-araw, ang mga paaralan, institusyong pangkalusugan, korte, at iba pang ahensya ng gobyerno sa lahat ng antas ay nagbibigay ng mga tulong at serbisyo sa maraming wika. Ang ating indibidwal at kolektibong kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ay nakasalalay sa epektibong komunikasyon at access sa wika para sa lahat ng ating mga komunidad.
Sa kabila ng Executive Order 14224 ni Trump, at kahit na walang Executive Order 13166, ang access sa wika ay inaatas pa rin sa ilalim ng batas. Hindi binabawi ng mga executive order ang umiiral na mga batas o regulasyon.
Bukod pa rito, ang bawat tao sa Estados Unidos—kahit saan man sila nagmula, anuman ang kanilang antas ng Ingles, o kanilang katayuang imigrasyon—ay protektado laban sa diskriminasyon dahil sa pinagmulan na bansa, kabilang ang wika. Ang mga batas pederal at pang-estado ay patuloy ding nangangailangan ng interpretasyon sa sign language para sa mga Bingi at Hirap sa Pandinig.
Dapat nating patuloy na subaybayan at ipagtanggol ang ating mga karapatan sa ilalim ng mga kasalukuyang batas at regulasyon sa access sa wika.
Ano ang ilang halimbawa ng mga batas at regulasyon na nangangailangan ng access sa wika, sa kabila ng bagong Executive Order na ito?
Ipinagbabawalan ng Title VI ng Civil Rights Act ng 1964 ang mga tumatanggap ng pondo mula sa pederal na gobyerno na magdiskrimina batay sa “nasyonalidad,” na naipaliwanag na ng Korte Suprema na kabilang ang diskriminasyon batay sa wika. Saklaw rin ng mga regulasyon ng Title VI ang mga sitwasyon kung saan kailangang magbigay ng mga serbisyo sa wika.
Ang Section 504 ng Rehabilitation Act ng 1973 at ang Americans with Disabilities Act (ADA) ay nag-aatas ng mga serbisyo ng interpreter sa sign language para sa mga taong Bingi at may Kapansanan sa Pandinig, pati na rin ang iba pang akomodasyon.
Kabilang sa iba pang mga pederal na mandato na nangangailangan ng access sa wika sa iba’t ibang konteksto ang:
- Omnibus Crime Control and Safe Streets Act of 1968 (mga tagapagpatupad ng batas, korte)
- Section 1557 of the Affordable Care Act (mga ospital, klinika, tagapagbigay ng seguro sa kalusugan, ahensya ng Medicaid ng estado, mga sentrong pangkalusugan sa komunidad o community health centers, mga doktor, at mga home health care agencies, tingnan pa dito)
- Food Stamp Act (mga ahensya ng estado at pang-lokal na nangangasiwa ng mga benepisyo ng SNAP)
- Workforce Innovation and Opportunity Act (mga ahensya ng estado at pang-lokal na nangangasiwa ng mga benepisyong may kaugnayan sa trabaho)
- Section 203 of the Voting Rights Act (mga dokumento tungkol sa eleksiyon)
- Fair Housing Act (mga ahensya ng estado at pang-lokal na nagpapatupad ng patas na pabahay)
- Equal Educational Opportunities Act (1974) (mga paaralan/patungkol sa edukasyon; tingnan pa dito)
- Stafford Act(tulong sa mga sakuna mula sa FEMA disaster relief; tingnan pa dito)
Ang mga pag-aatas sa access sa wika at ang mga batas ng estado laban sa diskriminasyon ay nalalapat din sa mga lokal at pampamahalaang entidad, kabilang ang ilang mga tagapagbigay ng serbisyo.
Sa loob ng maraming dekada, lumikha rin ang mga ahensyang pederal ng mga plano at patakaran sa access sa wika na may basehan sa pederal na batas at mga proteksyong konstitusyonal na nananatiling may bisa.
Paano naaapektuhan ng kautusan ni Trump ang mga tumatanggap ng pondo mula sa pederal na gobyerno, tulad ng mga lokal na korte, paaralan, at ospital?
Kabilang sa mga tumatanggap ng pondo mula sa pederal na gobyerno ang mga estado at munisipalidad, mga korte ng estado, mga ospital at opisina ng doktor, mga ahensya ng estado at lokal na namamahala ng mga pampublikong benepisyo, at mga pampublikong paaralan. Lahat ng tumatanggap ng pondo mula sa pederal na gobyerno ay dapat patuloy na sumunod sa umiiral na batas at magbigay ng access sa wika. Tulad ng nabanggit sa itaas, maraming mga batas at regulasyon ang patuloy na nangangailangan ng access sa wika, kabilang ang pagsasalin ng mga nakasulat na dokumento, interpretasyong pasalita at sa sign language, at mga abiso na nagpapaalam sa mga miyembro ng komunidad kung paano makakakuha ng suporta sa wika. Ang mga Executive Order ay hindi maaaring bawiin o baguhin ang umiiral na mga batas.
Habang sinusubaybayan natin kung paano tutugon ang mga ahensyang pederal sa pagbabagong ito, ang mga lokal at pang-estadong pamahalaan at mga entidad na tumatanggap ng pederal na pondo – kabilang ang mga distrito ng paaralan at ospital – ay maaaring magbigay ng katatagan at kaligtasan para sa publiko sa kanilang muling pagtitiyak sa kanilang patuloy na pangakong magbigay ng mga serbisyong multilingguwal. Ang ilang mga tumatanggap ng pederal na pondo, tulad ng Hawai’i State Judiciary, ay pinagtibay na ang kanilang pangako sa pagbibigay ng makabuluhang access sa wika.
Maaari pa rin bang humiling ang mga tao ng interpreter o nakasulat na dokumento sa kanilang pangunahing wika mula sa mga ahensya ng gobyerno at organisasyong tumatanggap ng pederal na pondo?
Oo! Sa karamihan ng mga kaso, may legal na karapatan pa rin ang lahat na makakuha ng tulong sa wika mula sa mga programa at serbisyong tumatanggap ng pederal na pondo. Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa mga kawani na nagsasalita ng kanilang wika, pagtanggap ng mga serbisyo mula sa mga kwalipikadong interpreter at/o pagtanggap ng mga isinaling dokumento.
Ang mga mapagkukunan tulad ng I Speak Cards ay maaari ring makatulong sa mga miyembro ng komunidad na matukoy ang kanilang pangunahing wika at humiling ng mga serbisyong pangwika.
Ano ang dapat gawin ng isang indibidwal kung tinanggihan siya ng access sa wika ng isang ahensya ng gobyerno o organisasyong tumatanggap ng pederal na pondo?
Kung may isang taong sinusubukang gumamit ng mga serbisyo mula sa isang ahensya ng gobyerno o organisasyong tumatanggap ng pederal na pondo at tinanggihan siya ng interpreter o mga isinaling dokumento, dapat siyang humingi ng tulong mula sa isang tagapagbigay ng legal na serbisyo.